Sugatan ang isang tauhan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos tamaan ng bubog mula sa nabasag na salamin, bunga ng water cannon attack ng China Coast Guard sa barkong BRP Datu Gumbay Piang.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), ang insidente ay naganap habang isinasagawa ng BRP Datu Gumbay Piang ang misyon nito sa loob ng West Philippine Sea, malapit sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa PCG, nagtamo ng matinding pinsala ang naturang barko, kabilang ang:
Nababasag na salamin sa likurang bahagi ng tulay ng barko
Nasirang partisyon sa kabina ng kapitan
Short circuit na nakaapekto sa mga electrical outlet
Limang outdoor air-conditioning units na hindi na gumagana
Sa kuhang video mula sa PCG ay nagpapakita ng matinding presyon ng tubig mula sa China Coast Guard na tumama sa barko ng Pilipinas, na nagdulot ng takot at panganib sa mga sakay nito.
Ang insidente ay isa na namang halimbawa ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea, kung saan ang mga barko ng Pilipinas ay humaharap sa agresibong aksyon mula sa mga barko ng China habang ginagampanan ang kanilang tungkulin na protektahan ang mga mangingisdang Pilipino.
Patuloy na nananawagan ang mga awtoridad ng Pilipinas para sa paggalang sa soberanya at karapatang pantao sa mga karagatang sakop ng bansa.