-- ADVERTISEMENT --

Naglabas ng pahayag ang Office of the Ombudsman kaugnay ng statement ng kontratistang si Sarah Discaya, na umaming siya’y nakaramdam ng matinding takot dahil sa posibilidad na makulong sa kasong kinakaharap.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, malinaw na ang pangamba ni Discaya ay resulta ng mga kilos na siya mismo ang gumawa, partikular ang umano’y paglihis ng pondo para sa mga proyektong pang-flood control.

Giit ng Ombudsman, milyon-milyong Pilipino ang nalagay sa peligro dahil sa katiwaliang ito, kaya’t hindi maaaring gawing palusot ang takot upang takasan ang pananagutan.

Si Discaya ay isa sa mga kontratistang iniimbestigahan kaugnay ng multi-bilyong pisong flood control projects na sinasabing ginamit sa maling paraan.

Ang Ombudsman ay may mandato na magsampa ng kaso laban sa mga opisyal at pribadong indibidwal na sangkot sa graft at corruption, at tiniyak na igagalang ang due process sa lahat ng akusado.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, binigyang-diin ni Clavano na ang mga kahihinatnan ay bunga ng sariling desisyon ni Discaya, at hindi maiiwasan ang pananagutan sa ilalim ng batas.