Hinatulang guilty ng International Criminal Court (ICC) si Ali Muhammad Ali Abd-Al-Rahman, mas kilala bilang Ali Kushayb, sa 27 kaso ng war crimes at crimes against humanity kaugnay ng malawakang karahasan sa Darfur, Sudan mula Agosto 2003 hanggang Abril 2004.
Si Kushayb ay dating mataas na opisyal ng Janjaweed, isang armadong grupong sinusuportahan ng pamahalaan ng Sudan na kilalang sangkot sa brutal na kampanya laban sa mga rebeldeng grupo sa Darfur.
Ang giyera ay nagsimula noong 2003 nang mag-alsa ang mga grupong etnikong African laban sa Arab-dominated na pamahalaan sa Khartoum.
Bilang tugon, inilunsad ng pamahalaan ang isang scorched-earth campaign na kinabibilangan ng aerial bombings at pag-atake ng Janjaweed sa mga komunidad.
Ayon sa ICC, si Kushayb ay hindi lamang nag-utos ng mga pag-atake kundi personal na lumahok sa mga pagpatay, panggagahasa, at torture. Isa sa mga testigo ang nagsabing inutusan ni Kushayb ang kanyang mga tauhan na “ulitin ang pag-atake” upang masigurong walang makaligtas.
Kabilang sa mga krimen na isinampa ay murder, rape, torture, persecution, at forcible transfer of population.
Isa ito sa mga unang hatol ng ICC kaugnay ng Darfur conflict at unang conviction para sa gender-based persecution sa kasaysayan ng korte.
Tinanggihan ng ICC ang depensa ni Kushayb na “mistaken identity” at kinilala siyang aktwal na si Ali Kushayb.
Ang hatol ay ibinaba sa panahon kung kailan muling lumalala ang karahasan sa Sudan, partikular sa Darfur, dahil sa sagupaan ng Sudanese Army at Rapid Support Forces (RSF), isang grupong nag-ugat mismo sa Janjaweed.