Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagpapalabas ng Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines sa pagbabayad ng overtime sa mga pampublikong guro, na isa umanong hakbang upang matiyak na makatatanggap ng angkop na kabayaran ang mga ito kapalit ng kanilang sakripisyo at paglilingkod sa bayan.
Ayon kay Romualdez, matagal nang hiling ng mga guro na mabigyan ng kaukulang kompensasyon para sa sobra nilang oras ng pagtatrabaho. Mas naging makabuluhan umano ang hakbang na ito ng DepEd lalo’t ipinagdiriwang ang 2025 National Teachers’ Month.
Binigyang-diin ng kinatawan mula Leyte na ang bagong patakaran ay patunay ng pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang mga guro sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Ayon pa sa pinunoo ng Kamara, bagama’t ang pagtuturo ay isang bokasyon na hindi matutumbasan, malaking hakbang ang bagong polisiya ng DepEd sa pagbibigay-halaga sa sakripisyo ng mga guro.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 26, series of 2025, tatanggap ang mga guro ng 125% ng kanilang aktuwal na hourly rate para sa awtorisadong overtime tuwing weekdays, at 150% naman kapag Sabado, holiday, o non-working day.
Saklaw ng polisiya ang lahat ng full-time teachers ng DepEd na, kabilang ang nasa Alternative Learning System, anuman ang kanilang appointment status. Papayagan lang ang overtime kung talagang kinakailangan, tulad ng kapag may trabahong hindi natapos na apektado ang mga estudyante o operasyon ng paaralan.
Tiwala si Romualdez na sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara, magpapatuloy ang DepEd sa mga repormang magpapagaan ng trabaho ng mga guro at magpapabuti sa kanilang kalagayan.
Tiniyak din ng Speaker na susuportahan ng Kongreso ang mga inisyatiba na nakaayon sa mga programa ni Pangulong Marcos para palakasin at gawing makabago ang sektor ng edukasyon sa bansa.
Sa 2026 budget, may ₱872.887 bilyon para sa DepEd upang matugunan ang learning gaps at sabay na palakasin ang teaching force sa pamamagitan ng patas na sahod, insentibo, at benepisyo.