-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-pagkilala ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Dr. Ea Kristine Clarisse Tulin-Escueta ng Visayas State University (VSU) na nagtapos ng post-doctoral fellowship sa Harvard Medical School na isa ngayong inspirasyon sa mga kabataan ng Leyte.

Si Dr. Tulin-Escueta ang kauna-unahang miyembro ng VSU faculty na nakapagtapos ng Harvard post-doctoral fellowship.

Siya ay nagsaliksik kaugnay ng development ng anti-glycan monoclonal antibodies sa Beth Israel Deaconess Medical Center ng Harvard Medical School.

Ang anti-glycan monoclonal antibodies ay may malawak na gamit sa medisina, pananaliksik, at biotechnology, kabilang ang diagnosis at paggamot ng iba’t ibang sakit at kanser.

Pinasalamatan ni Speaker Romualdez si Dr. Tulin-Escueta sa pagbabahagi ng kanyang kaalaman sa agham sa kabataan ng Eastern Visayas ng bumisita sa kanyang tanggapan sa House of Representatives noong Lunes ng hapon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Romualdez, ang pagbabalik ni Dr. Tulin-Escueta sa bansa ay kaakibat ng programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang research and development, pasiglahin ang STEM education, at magbigay ng mas maraming insentibo sa mga Filipino scientists sa ibang bansa na bumalik sa Pilipinas.

Muling ipinaabot ni Speaker Romualdez ang matibay na suporta ng Kamara sa mga programa ng Department of Science and Technology (DOST), lalo na sa mga proyektong nagsusulong ng Bagong Pilipinas ng Marcos administration sa pamamagitan ng pagpapa-unlad ng mga lokal na komunidad gamit ang agham at teknolohiya.

Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program, may P30.4 bilyong pondo na nakalaan para sa DOST na naglalayong paunlarin ang agham at teknolohiya sa bansa

Pangunahing pinaglaanan ng pondo ang Grants-in-Aid Program (₱8.9 bilyon) na sumusuporta sa pambansang R&D projects, higit 65,000 STEM scholars (₱8.3 bilyon), interdisciplinary research (₱3.9 bilyon), at insentibo sa ilalim ng Balik Scientist Program upang hikayatin ang mga Filipino experts na bumalik sa bansa (₱109 milyon).