-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang ₱249 bilyong unprogrammed appropriations sa ilalim ng panukalang ₱6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026 ay legal, malinaw ang gamit, at may sapat na mga panangga laban sa maling paggamit.

Ipinaliwanag ni Speaker Dy na ang halaga ay katumbas lamang ng 3.6% ng kabuuang badyet, mas mababa sa itinakdang 5% limit ng Department of Budget and Management (DBM).

Magagamit lamang ito kung may excess revenue, bagong buwis, o aprubadong proyektong may dayuhang pondo.

Dagdag ni Dy, tinanggal na ng Kamara ang mga infrastructure projects tulad ng kalsada, tulay, at flood control mula sa listahan ng unprogrammed items, at inilipat ang pondo sa edukasyon, kalusugan, at social protection.

Kabilang dito ang requirement na maghain muna ng special budget request ang mga ahensya, kasama ang kompletong dokumento kung paano gagamitin ang pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos din ng batas ang paggawa ng quarterly reports ukol sa paggamit ng unprogrammed funds, habang bubuo naman ang Kongreso ng oversight committee para tiyakin na bawat sentimo ay ginagamit ng tama.

Giit pa ng Speaker, ang unprogrammed funds ay mahalagang fiscal tool para makapaghanda ang gobyerno sa mga proyektong kailangan ng biglaang pondo o mga inisyatibang may suporta mula sa mga institusyong gaya ng World Bank at Asian Development Bank.