Ipinahayag ni Senate President Vicente Sotto III na hindi na mangangailangan pa ng karagdagang alokasyon ng pondo sa ilalim ng panukalang budget para sa taong 2026 para sa inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa dagdag na sahod para sa mga miyembro ng military and uniformed personnel, o MUP.
Ito ay dahil, ayon kay Sotto, batay sa kanyang impormasyon at pagkakaalam, ang executive department ay kasalukuyang mayroong sapat na savings ngayong taon na maaaring ilaan at gamitin para sa ipagkakaloob na dagdag sa base pay ng ating mga MUP.
Ang nasabing pahayag ay ginawa ng Senate President kasabay ng kanyang pagpapahayag ng buong suporta sa planong ipatupad ng Pangulo na pagtaas ng sahod ng mga miyembro ng MUP.
Dagdag pa niya, ito ay isang napakahalagang hakbang upang mapabuti ang kapakanan ng ating mga uniformed personnel.
Bago pa man ito, mariing iginiit ni Pangulong Marcos na tama at makatwiran lamang na itaas ang base pay ng ating mga MUP, bilang pagkilala at pagpapahalaga sa kanilang walang sawang sakripisyo at dedikasyon sa paglilingkod sa ating bansa, lalo na sa pagtugon sa sunud-sunod na kalamidad na ating nararanasan.











