-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala si SP Vicente ‘Tito’ Sotto III na maaaring may “loopholes” ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill, partikular sa kaso ng extramarital partners at kanilang mga kamag-anak. Tinanong niya kung saklaw ba ng batas ang mga karelasyon ng kasalukuyang opisyal na hindi kasal sa kanila.

Sinagot ni Sen Risa Hontiveros, na chairman ng Committee on Electoral Reforms, na oo, at ipapasiya ng Commission on Elections (COMELEC) kung umiiral ang ganitong uri ng relasyon. Aniya, maaaring ma-void ang certificate of candidacy kung lalabas na may political dynasty connection, at puwede ring maghain ng quo warranto petition kung matuklasan ito pagkatapos ng halalan.

Saklaw ng panukala ang political dynasties hanggang ikalawang degree ng consanguinity at affinity, kabilang ang asawa, magulang, anak, kapatid, lolo’t lola, at apo. Tinukoy ni Sotto na hindi saklaw ng panukala ang kapatid, magulang, o anak ng kasintahan ng opisyal, na puwedeng magdulot ng paglilipat ng impluwensya.

Binigyang-diin ni Sotto ang pangangailangan ng solusyon sa mga ganitong kaso, at sinabi ni Hontiveros na pag-aaralan pa nila ang usapin upang masiguro ang bisa ng panukala.