-- ADVERTISEMENT --

Inusisa ni Senate Pres. Vicente ‘Sotto’ III si dating Bulacan 1st District Engineering Office asst. chief Brice Hernandez kung gaano katotoo ang impormasyong inilabas ng kaniyang abogado na may anim na Senador na umano’y sangkot sa flood control scandal, batay sa impormasyong nakalagay sa computer ni Hernandez.

Una itong binanggit ni Atty. Raymond Fortun sa isang panayam, matapos umano niyang makita ang nilalaman ng computer ng kaniyang kliyenteng si Hernandez.

Tanong ng Senate President, bakit ba puro Senador ang pinapangalanan o idinadawit sa malawakang kontrobersiya.

Pero sa pagdinig ng Senado, iginiit ni Hernandez na wala itong katotohanan. Sa katunayan aniya, pangalan ng mga kongresista ang nakasulat o nakalagay sa kaniyang computer.

Kinatigan naman ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Ping Lacson ang punto ni Sotto at sinabing hindi patas sa mga Senador ang naging pahayag ni Fortun dahil sa maraming ispekulasyon ang lumalabas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Lacson, kailangang maging maingat ang abogado ni Hernandez sa kaniyang inilalabas na impormasyon, dahil tiyak aniyang magdudulot ito ng pagkalito sa panig ng publiko.

Nagkaroon din aniya ng ispekulasyon na ang mga tinutukoy na Senador ay sina Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. JV Ejercito, gayong hindi naman nabanggit ang kanilang mga pangalan.