Naniniwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na matatag ang kanyang pamumuno sa kabila ng mga tensyon sa pagitan niya at ng minorya.
Sa isang panayam, inalala ni Sotto ang mainit na palitan nila ni Sen. Rodante Marcoleta hinggil sa desisyon kung saan ikukulong ang dating DPWH engineer na si Brice Hernandez, na kalaunan ay dinala sa Pasay City Jail dahil sa contempt citation.
Tinuligsa rin ni Marcoleta ang pagtanggi ni Sotto na suportahan ang kahilingan na mailagay sa witness protection program ang mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya.
Binigyang-diin ni Sotto na ginagawa lamang niya ang tama at legal, at na ang kanyang pagiging Senate President ay “kalooban ng Diyos” matapos mapalitan si Francis Escudero noong nakaraang linggo.
Gayunman, aminado siyang hindi dapat maliitin ang siyam na miyembrong minorya na pinamumunuan nina Marcoleta, Escudero, at iba pang senador.