Tila maging ang Department of Health (DOH) ay may sariling “flood control version” matapos ibunyag ng ahensya na karamihan sa mga health center na itinayo sa ilalim ng health facilities enhancement program (HFEP) ay nanatiling walang pakinabang dahil sa kakulangan ng tauhan.
Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, may mala-flood control corruption sa DOH kaya kailangang mabusisi ang kanilang budget para sa susunod na taon.
Si Appropriations Committee Senior Vice Chairperson Rep. Albert Garcia ang budget sponsor ng ahensiya.
Nasa P320.5 billion ang budget ng DOH para sa fiscal year 2026.
Dinagdagan ng BARSc ang pondo ng ahensiya nang P2.4 billion para sa pag kumpleto sa mga legacy hospitals, P150 million para sa children’s cancer treatment at P60 billion para sa Philhealth batay sa naging direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nakapaloob sa pondo ang health insurance, medical assistance,cancer funds, health facilities urgent care centers at support for health workers.
Sa budget deliberation, kinuwestiyon ni Diokno kung bakit 200 lamang sa 600 health center na itinayo sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ang gumagana noong 2025 sa kabila ng paglalaan ng mahigit P170 bilyon para sa imprastraktura at kagamitan nito noong nakaraang dekada.
Kinuwestiyon din ni ML Partylist Rep. Leila de Lima ang milyun-milyong halaga ng mga pa-expire ng mental health drugs na binagsak umano ni Secretary Ted Herbosa sa pribadong organisasyon na Rotary Club of Quezon City Circle.
Nang tanungin ang ahensya, hindi raw sila aware na nangyari ang delivery sa kabila ng liham ng Rotary Club na isinauli nila ang mental health drugs dahil hindi umano nila ito ini-request sa DOH.
Sa kabila ng budget hearing ng executive department, nakuha pa umano ni Herbosa na mag-out of the country pa-Boston at New York sa Amerika.
Ayon sa mga source sa DOH, iniiwasan at hindi na umano naiimbitahan si Health Secretary Ted Herbosa sa official functions na dinadaos ng Department of Health (DOH) dahil sa mga alegasyon ng katiwalian na nangyayari sa loob ng ahensya mula nang maupo ito bilang kalihim.
Ayon naman kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, nakapila na ang DOH sa radar ng mga anti-corruption advocates para maimbestigahan dahil sa patong-patong na iregularidad at corruption complaints sa ahensya sa pangunguna ni Herbosa at lima pang opisyal nito.
Halata umano na walang sinusunod na due process ang Kalihim sa ilang transaksyong pinapasok nito para sa kanyang departamento.
Mainit na rin daw si Herbosa sa Palasyo matapos mapag-alamang ni-name drop nito si First Lady Lisa Marcos.