Ipinahahanap na ngayon ng Department of Justice ang testigong si Orly Guteza, umano’y dating security consultant ni resigned Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, kanya na itong sinabi sa National Bureau of Investigation upang matukoy ang lokasyon ng naturang testigo.
Sa kasalukuyan kasi, aniya’y wala pa silang impormasyon kung nasaan si Guteza matapos lumantad sa Senado na ngayo’y hindi mahagilap o miski nakipag-ugnayan sa kagawaran.
Maalalang si Orly Guteza ang siyang nagsiwalat ng umano’y male-maletang basura, codename sa pera na ipinadadala kina former House Speaker Martin Romualdez at Congressman Zaldy Co.
Kung kaya’t nais ipahanap ni Justice Secretary Remulla si Guteza nang sa gayon ay kanyang mabigyang kaliwanagan rin ang isyu sa pagkakanotaryo ng kanyang salaysay.
“Wala pa, but we’re asking the NBI nga to trace his whereabouts so that he can shed light on the notarization and other issues that are part of it,” ani Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ng Department of Justice.
Kasunod ng kanyang hindi pagsipot sa napag-usapan sanang pagkikita nila ng kalihim, nais ni Justice Secretary Remulla na mabigyang linaw pa ang patungkol sa kanyang affidavit.
Sinasabi kasing may ilang mga pagdududa kung tunay na nalalaman ni Orly Guteza ang nilalaman ng kanyang salaysay matapos siyang ipresenta ni Sen. Marcoleta bilang witness sa naganap na pagdinig ng Senado.
Buhat nito’y dagdag pa ni Sec. Remulla na kanilang ikinukunsidera ang pag-iisyu o pagpapadala ng National Bureau of Investigation ng subpoena para kay Guteza.
Kanyang sinabi na ito’y upang linawin ni Guteza ang kanyang testimonya sa naganap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ngunit aniya’y nais pa nilang malaman ang tiyak na address ng testigo para dito ihatid o isilbi ng kawanihan ang subpoena.