Mismong kay House Speaker Martin Romualdez na nanggaling ang direktiba na dapat gawing simple ang pagdaraos ng ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos sa Lunes.
Ayon sa House Speaker, dapat magsilbing ehemplo ang Kamara at umiwas sa magarbong SONA na mistulang “fashion show” ng mga mambabatas.
Inatasan ni Romualdez si House Secretary General Reginald Velasco na panatilihin ang formal protocols pero wala nang red carpet fanfare, fashion coverage at iba pang kaartehan.
Sa direktiba ni Romualdez kay Velasco, papayagan pa rin ang decorum and tradition pero dapat simple.
Ang red carpet anya ay hindi na gagamitin “as a platform for display.”
Papayagan pa rin ang mga mambabatas na ma-inteview ng media pagdating sa red carpet pero hindi na ito mistulang parang fashion show.
Binigyang diin ni Romualdez, ang pagbubukas ng sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay hindi isang fashion event kundi working session at dapat maging sensitibo dahil marami nating kababayan ang nasalanta ng baha.