Malapit nang matapos ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig, in aid of legislation, sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III., posibleng isa o dalawa na lang ang natitirang pagdinig ng komite sa iregularidad sa naturang proyekto.
Sinabi ni Sen. Sotto na matapos ang susunod na hearing sa Huwebes, Setyembre 25, maaaring mag-assessment na lamang sila at magdaos ng internal meeting imbes na public hearing.
Dagdag pa niya, ipauubaya na ng Senado sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang imbestigasyon sa iba pang personalidad na mababanggit, habang mayroon na umano silang nababalangkas na panukalang batas na maaari nilang ihain.
Kahapon, Setyembre 23, isinagawa ang ika-limang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa flood control anomaly kung saan nakaladkad ang iba pang pangalan ng dating Senador, dating DPWH official at dating kongresista na tumatanggap ng umano’y kickbacks o komisyon mula sa flood control at infrastructure projects.