Inaprubahan ng Senado nitong Lunes ng hapon ang mosyon upang ilagay sa protective custody si Senador Ronald dela Rosa habang hinaharap nito ang mga kaugnay ng umano’y kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Ang naturang mosyon ay inihain ng kapwa nito senador na si Sen. Rodante Marcoleta na layuning magprotekta kay dela Rosa habang ginagamit nito ang lahat ng legal remedy kaugnay ng kanyang kaso.
Ayon kay Marcoleta, nararapat lamang na maprotektahan si dela Rosa habang ipinaglalaban nito ang kanyang karapatan.
Ito ang unang pagkakataon na muling dumalo si dela Rosa sa sesyon ng Senado mula noong Nobyembre 2025.
Matatandaang hindi siya nakadalo sa mga nakaraang sesyon matapos lumabas ang mga ulat na umano’y warrant of arrest ng ICC laban sa kanya kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ang sesyon, sinabi ni dela Rosa na hinarang umano siya ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpasok sa gusali ng Senado.
Dahil dito, ipinag-utos ng Senado na i-cite in contempt ang mga naturang tauhan ng NBI at ilagay sila sa kustodiya ng kapulungan.
Samantala, pansamantalang isinailalim sa lockdown ang Senado matapos ang umano’y tangkang pag-aresto kay dela Rosa habang isinasagawa ang sesyon sa plenaryo.
Ayon sa mga tauhan ng Senado, isinagawa ang lockdown upang matukoy ang mga tauhan ng NBI na umano’y nang-harass sa senador.
PROBISYON NG SALIGANG BATAS
Batay sa 1987 Philippine Constitution Article 6 Sec. 11 , hindi maaaring arestuhin ang isang senador habang may sesyon ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso kung ang kasong kinasasangkutan ay may parusang hindi hihigit sa 6 na taong pagkakakulong.Philippine News Digest
Ngunit tugon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa isang panayam na ”Kasi doon po sa kaso noong ako’y inaresto sa loob ng Senado ito po ay reclusion perpetua [yung inihain sa akin] kaya hindi ako naproteksyunan noon ng probisyon na ‘yan,” dagdag pa ni Trillanes na wala itong pinagkaiba sa kinahaharap ngayong kaso ni dela Rosa na crimes against humanity na ”life imprisonment” ang penalty ”kaya hindi siya pwedeng protektahan ng ganyang constitutional provision.”











