-- ADVERTISEMENT --

Hindi pipirma si Sen. Robinhood Padilla sa ulat ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, kasunod ng naging posisyon ni Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Padilla, susuportahan niya ang hiwalay na ulat ng minority bloc, na hindi rin pirmado ni Cayetano. Ang draft Blue Ribbon report ay nagrerekomenda ng paghahain ng criminal at administrative charges laban kina Sen. Francis Escudero, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Jinggoy Estrada.

Nilinaw niya na sa minority report ay walang inilabas na findings laban kina Escudero at Estrada.

Kailangan aniya na matatag sila sa minority. Kung ano aniya ang desisyon ng minority floor leader, susunod din daw ang mga ito. Gayunman, iginiit niyang malaya ang sinumang senador na pumirma sa ulat kung nanaisin nila.

Muling pinagtibay ni Padilla ang kanyang katapatan sa Duterte bloc at sinabing wala siyang planong lumipat sa majority.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Sen. Raffy Tulfo, na kabilang sa majority, na hindi pa niya napipirmahan ang draft report dahil hindi pa niya ito lubusang nababasa. Ayon kay Tulfo, umaabot sa humigit-kumulang 400 pahina ang ulat.