Mariing tinutulan ni Senadora Loren Legarda ang pagkakasama ng lalawigan ng Antique sa listahan ng mga lugar na posibleng pagtayuan ng nuclear energy facility sa bansa.
Sa pagdinig ng proposed 2026 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sinabi ni Legarda: ”I’m not in favor and I am not alone… I will block it every step of the way. Whichever government agency is studying it, do not waste your money, your time and your resources. I will oppose your budget.”
Ayon pa sa senadora, nagulat siya nang mabalitaan sa media na kabilang ang Antique sa mga rekomendadong site para sa nuclear energy.
Aniya, hindi ito angkop sa lalawigan na madalas bahain, bulubundukin, at may mga katutubong pamayanan.
“Of all places, why Antique? We’re experiencing floods. We have mountains. We have indigenous people,” giit ni Legarda.
Sa panig ng DENR, sinabi ni Environment Secretary Raphael Lotilla na hindi ang kanyang ahensya ang nagmungkahi sa Antique.
Ani Lotilla, ang pag-aaral ukol sa mga posibleng nuclear sites ay isinasagawa ng interagency committee sa ilalim ng Department of Energy (DOE). Dagdag pa niya, hindi pa siya updated sa ulat na kabilang ang Antique.
Binigyang-diin ng DENR na bago maipatupad ang anumang proyekto ng nuclear energy, kailangang kumuha ito ng Environmental Compliance Certificate (ECC), alinsunod sa international standards.
Samantala, nanawagan naman si Legarda sa DENR na agad tanggalin ang Antique sa listahan ng posibleng lokasyon ng nuclear plant.
Una nang nagpahayag ng pagtutol ang grupong Amlig Antique Alliance sa ulat na posibleng gawing site ang Semirara Island para sa isang nuclear power plant. Ayon sa grupo, maaaring magdulot ito ng sakuna at tinawag nila ang proyekto bilang isang “disaster waiting to happen.”