Awtomatikong hahalili si Senador Erwin Tulfo kay Senador Ping Lacson bilang Chairman ng Blue Ribbon Committee kung walang senador mula sa majority bloc ang nais kumuha ng posisyon.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III.
Si Tulfo ang kasalukuyang Vice Chairman ng Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.
Kabilang sa mga kinokonsiderang papalit kay Lacson ay sina Senators Risa Hontiveros, Raffy Tulfo, Pia Cayetano, Kiko Pangilinan, at JV Ejercito.
Nauna nang tumanggi si Senador Raffy Tulfo na pamunuan ang komite, samantalang hindi rin interesado si Ejercito.
Wala pang pahayag sina Senators Risa at Pia.
Ayon kay Sotto, “good choice” si Senador Erwin Tulfo na maging bagong Chairman ng Blue Ribbon Committee dahil mayroon siyang kakayahan at karanasan sa investigative journalism.
Aniya, matapang rin daw ang neophyte senator.
Samantala, sa isang pulong balitaan, iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi siya satisfied o kuntento sa takbo ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects.
Nanindigan si Cayetano na dapat matuloy ang imbestigasyon ng komite at dapat na non-partisan o walang pinapanigan ang direksyon nito.