Hindi dumalo si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa unang araw ng bicameral conference committee hearing para sa 2026 national budget noong Sabado.
Ayon kay Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian, ilang ulit niyang tinawagan si Dela Rosa, ngunit hindi siya makontak.
Si Dela Rosa, na vice chair ng Senate finance committee, ay isa sa mga senador na itinalaga upang magrepresenta sa bicam. Wala ring abiso mula sa staff ni Dela Rosa tungkol sa kanyang hindi pagdalo.
Bagamat absent, sinabi ni Gatchalian na hindi naapektuhan ang pag-andar ng bicam hearing. “Tuloy-tuloy naman kami, hindi naman nagkaroon ng bog down,” aniya. Inaasahan pa rin ni Gatchalian na makakadalo si Dela Rosa sa susunod na session.
Binanggit din ni Gatchalian na dapat magpaliwanag si Dela Rosa sa pamamagitan ng isang sulat kay Senate President Tito Sotto.
Sinabi naman ni Sotto na maaaring magsampa ng ethics complaint ang mga kritiko ng senador dahil sa patuloy nitong pagliban sa mga sesyon ng Senado.











