-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na hindi lang 40 o 28 kundi nasa 80 ang mga sasakyan na pagmamay-ari ng mga Discaya.

Ang isiniwalat na impormasyon ni Estrada ay matapos na halughugin ng Bureau of Customs (BOC) ang property ng mga Discaya sa lungsod ng Pasig kung saan tatlong luxury vehicles na lamang ang naabutan.

Sa plenary session, sinabi ni Estrada na 80 ang sasakyan na pagmamay-ari ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya at ng kanilang mga kumpanya kung saan humigit kumulang 40 dito ay mga luxury cars.

Sa bilang na ito, 63 ang nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO) kasama ang mga luxury vehicles na binanggit ni Sarah Discaya sa pagdinig ng Senado kabilang ang Rolls Royce, Bentley Bentayga, GMC Yukon Denali, Cadillac Escalade, Mercedez Benz-AMG Wagon at Range Rover evoque.

Ang 17 sasakyan ay wala sa records ng LTO pero tatlo rito ay binanggit din ni Discaya sa imbestigasyon ng Blue Ribbon kabilang ang Volvo, Mercedez Benz, Maserati, Lexus at iba pang luxury vehicles.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Estrada na maraming hindi nabanggit na pag-aaring sasakyan si Discaya sa pagdinig kahapon ng Senado at nang matanong kung ma-co-contempt si Sarah Discaya, sinabi na lamang ng mambabatas na abangan na lamang ang susunod na pagdinig sa September 8.

Kasama rin sa ipapatawag sa susunod na pagdinig ang asawa nitong si Curlee.