-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na maaaring umalis ang contractor na si Sarah Discaya sa kanilang tanggapan dahil wala pang inilalabas na warrant of arrest laban sa kanya.

Ayon kay Acting NBI Director Angelito Magno, wala silang legal na basehan para pigilan si Discaya hangga’t walang utos mula sa korte.

Nilinaw din ni Magno na nananatili si Discaya sa NBI at agad na ipatutupad ang warrant sakaling iisyu na ito ang korte.

Matatandaan, kusang sumuko si Discaya noong nakaraang linggo matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaasahang maglalabas ng warrant kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.

Subalit ipinaliwanag ng kampo ni Discaya, ang pagsuko niya ay isang legal na hakbang at hindi pag-amin ng kasalanan.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, si Discaya kasama ang siyam na iba pa ay nahaharap sa mga kasong malversation at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng umano’y P96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental.