Binuweltahan ni House Majority Leader Sandro Marcos ang kanyang tiyahin na si Senadora Imee Marcos, matapos nitong ulitin ang umano’y walang basehang paratang laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, atsa unang pagkakataon kaniya mismo.
Giit ni Sandro, “hindi ito asal ng isang tunay na kapatid,” at tinawag niyang “web of lies” ang mga pahayag ng senadora na aniya’y naglalayong manggulo sa administrasyon upang isulong ang sarili nitong ambisyon sa pulitika.
Ayon sa Majority Leader, masakit makita kung paanong “bumaba” ang kanyang tiyahin sa ganitong antas, at kinondena niya ang umano’y iresponsableng paratang na nagdudulot lang ng destabilisasyon.
Sinabi rin ni Sandro na matagal niyang iginagalang ang senadora dahil sa papel nito sa kanyang unang taon sa serbisyo publiko, kaya ito ang una at huling beses na magsasalita siya tungkol sa isyu.
Aniya, maging ang kanyang mga pinsang sina Borgy, Ilocos Norte Vice Gov. Matthew Marcos Manotoc, at Atty. Michael Marcos Keon ay makakapagpatunay na walang katotohanan ang mga insinwasyon laban sa kanya.
Binigyang-diin ng mambabatas na masakit ang sinasabing “pagtataksil” sa pamilya, lalo’t napagkasunduan umano nilang hindi papayagang madamay ang susunod na henerasyon sa sigalot ng kanilang mga magulang.
Nanawagan si Sandro Marcos sa publiko na manatili sa katotohanan at huwag magpapadala sa mga kwentong idinisenyo para guluhin ang pamahalaan.
Giit ng house leader panahon na para magtulungan hindi para magpalaganap ng gulo at destabilisasyon.
Sa panig naman ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno kaniyang inihayag na hindi magugustuhan ni Majority Leader Sandro Marcos ang naging banat sa kaniyang ama.











