Niyanig ng malawakang drone at missile strikes ng Russia ang Ukraine noong gabi ng Mayo 5, na tumama sa power grid at iba pang imprastraktura, at ikinasawi ng hindi bababa sa limang (5) katao habang 39 ang sugatan.
Ayon sa Ukrainian Air Force, gumamit ang Russia ng 11 Iskander-M ballistic missiles at 164 drones sa magkakasunod na pag-atake. Bagama’t na-intercept ang karamihan, may ilang missiles at drones na tumama sa mga target kabilang ang mga pasilidad sa enerhiya ng Ukraine.
Nabatid na tinamaan ang mga natural gas facility sa Poltava at Kharkiv regions, ayon sa state energy firm na Naftogaz.
Sinabi ng kumpanya na paulit-ulit nang tinatamaan ang kanilang mga pasilidad mula pa nang magsimula ang taon.
Dahil dito kinondena ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang mga pag-atake, at tinawag itong “utter cynicism” ng Moscow, lalo’t ito ay kasabay ng pansamantalang tigil-putukan.
Ayon sa Russia, magpapatupad ito ng unilateral ceasefire sa mga darating na araw kaugnay ng paggunita sa Victory Day, ngunit babala nito na gaganti sila sakaling umatake ang Ukraine.
Tugon ng Kyiv, handa rin itong sumunod sa ceasefire kung susunod din ang Russia, ngunit nagbabala na gaganti rin sila sa anumang paglabag sa kasunduan.
Samantala, nagpapatuloy ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng dalawang bansa, kung saan naglunsad din ang Ukraine ng long-range strikes sa loob ng Russian territory.











