-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakabalik na sa Pilipinas si retired police colonel Royina Garma, ang datring general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na iniimbestigahan sa umano’y pagkakasangkot niya sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at utak umano sa pagpatay kay dating PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2020.

Dumating si Garma sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Los Angeles, California ngayong gabi ng Sabado, Setyembre 6.

Ibinahagi ng Immigration ang larawan ni Garma sa kanilang official facebook page.

Matatandaan, lumabas noon ng bansa si Garma sa kasagsagan ng imbestigasyon sa umano’y mga pagpatay sa war on drugs ng dating administrasyon kung saan kabilang ang pangalan ni Garma sa mga nakaladkad.

Sa House Quad Committe inquiry, ibinunyag ni Garma na inutusan siya ng dating Pangulo na maghanap ng isang officer para gawin sa buong bansa ang Davao model para sa war on drugs. Sa ilalim nito, mayroon aniyang reward money sa bawat mapapatay na drug suspect.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, naharang si Garma ng mga awtoridad sa California, USA noong Nobiyembre 7, 2024 dahil sa kaniyang kanseladong visa. Limang buwan ang nakalipas mula nang maaresto si Garma, sinabi ng kaniyang abogado na humingi siya ng asylum doon.

Sa ngayon, humaharap si Garma sa reklamong pagpatay at frustrated murder kaugnay sa pag-utos umano niyang patayin si Barayuga.