Sa gitna ng nagbabagong ihip ng pulitika sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, kapwa nahaharap sa matitinding hamon sina dating House Speaker Martin Romualdez at ang bagong halal na lider ng Kamara, Rep. Faustino “Bodjie” Dy III.
Si Romualdez, na kahapon lamang ay nagbitiw sa puwesto, ay iniwan ang liderato sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian kaugnay ng mga proyekto sa flood control at isyu sa pambansang budget para sa 2025.
Ayon sa ilang ulat, ang kanyang pagbibitiw ay hakbang upang wakasan ang mga suspetsa ng patuloy na impluwensiya sa Kamara kahit wala na sa puwesto.
Samantala, si Dy ay nahalal bilang bagong Speaker ng Kamara na may 253 boto mula sa mga mambabatas. Bagamat may mas malawak na suporta kaysa sa kanyang sinundan, hindi maikakaila ang bigat ng responsibilidad na kanyang pinasan.
Sa kanyang talumpati, inamin ni Dy ang pangamba sa hamon ng paglilinis sa imahe ng Kamara at nangakong hindi ipagtatanggol ang mga tiwaling kasamahan.
Hindi rin pinalampas ng mga miyembro ng minority bloc ang pagkakataon upang ipahayag ang kanilang saloobin. Ayon kay Rep. Leila de Lima, ang pag-usbong ng mas malaki at mas assertive na minority bloc ay patunay ng lumalakas na panawagan ng publiko para sa mas matibay na checks and balances. Dagdag pa niya,
“Hindi na puwedeng umasa ang administrasyon sa tahimik na pagsang-ayon. Panahon na para sa lideratong hindi lang sumusunod sa agos, kundi handang tumindig para sa tama.”
Sa pag-upo ni Dy bilang bagong Speaker at sa patuloy na pag-usisa sa mga alegasyon laban kay Romualdez, malinaw na nasa yugto ng pagbabago ang Kamara.