-- ADVERTISEMENT --

Inihalal ng Kamara de Representantes si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon bilang chairman ng Committee on Public Accounts, isa sa apat na komite na bumubuo sa House quad commitee na nag-imbestiga sa mga kaso ng extrajudicial killings, ilegal na operasyon ng droga, at mga sindikato ng organisadong krimen noong nakaraang Kongreso.

Si Ridon, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) na nag-aral din ng public policy at business sa Harvard University, ang pumuno sa huling posisyon sa pamunuan ng tinaguriang “Quad Comm 2.0”kasama nina Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., na namumuno sa Committee on Human Rights; Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, chair ng Committee on Public Order and Safety; at Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, chair ng Committee on Dangerous Drugs.

Ang muling pagbuhay sa Quad Comm ay senyales ng panibagong paninindigan ng 20th Congress sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na tukuyin at tuklasin ang mga hindi pa nareresolbang kaso ng karahasang may basbas ng estado, katiwalian, at kriminal na kalayaan, marami sa mga ito ay unang inilantad noong Ika-19 Kongreso at muling nabigyang pansin sa pagkawala ng mga sabungero kamakailan.

Pinatitibay ng kaniyang pagkakatalaga ang mandato ng komite na busisiin ang mga iregularidad sa pananalapi at operasyon na may kaugnayan sa pang-aabuso sa kapangyarihan at tiwala ng publiko.

Sa parehong sesyon sa plenaryo, inihalal din ng Kamara ang ilang mga mambabatas sa mahahalagang posisyon sa mga regular at espesyal na komite.

-- ADVERTISEMENT --

Si 4Ps Party-list Rep. JC Abalos ay inihalal bilang chairperson ng Committee on Ethics and Privileges. Si Aklan 2nd District Rep. Florencio Miraflores naman ang bagong chairman ng Committee on Local Government, habang si Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario ay napiling mamuno sa Committee on Social Services.

Para sa mga special committee, si Rizal 3rd District Rep. Jose Arturo Garcia Jr. ay inihalal bilang chairman ng Special Committee on Flagship Programs and Projects. Si Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor naman ang bagong pinuno ng Special Committee on Globalization and WTO.

Itinalaga si Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco bilang chairman ng Special Committee on Nuclear Energy. Si Surigao del Sur 2nd District Rep. Alexander Pimentel naman ang chair ng Special Committee on Strategic Intelligence.

Itinalaga si Agusan del Sur 1st District Rep. Alfelito “Alfel” Bascug bilang chairman ng Special Committee on Persons with Disability.

Samantalang si Bataan 3rd District Rep. Maria Angela Garcia ang namumuno ngayon sa Special Committee on the West Philippine Sea.

Pinagtibay rin ng Kamara ang estruktura ng pamunuan ng minorya.

Tumutulong kay Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice, na inihalal bilang Senior Deputy Minority Leader.

Kabilang sa mga Deputy Minority Leader sina Reps. Presley De Jesus (PHILRECA Party-list), Sergio Dagooc (APEC Party-list), Kaka Bag-ao (Dinagat Islands), Stephen James Tan (Samar, 1st District), Leila De Lima (ML Party-list), Perci Cendaña (AKBAYAN Party-list), Antonio Tinio (ACT TEACHERS Party-list), Jesus Manuel “Bong” Suntay (Quezon City, 4th District), Jernie Jett Nisay (PUSONG PINOY Party-list), Reynolds Michael Tan (Samar, 2nd District), at Cielo Krisel Lagman (Albay, 1st District).

Ang mga Assistant Minority Leader naman ay sina Reps. Christopher Sheen Gonzales (Eastern Samar), Renee Louise Co (KABATAAN Party-list), Chel Diokno (AKBAYAN Party-list), Robert Nazal (BH Party-list), Niko Raul Daza (Northern Samar, 1st District), JP Padiernos (GP Party-list), Audrey Kay Zubiri (Bukidnon, 3rd District), at Iris Marie Demesa Montes (4K Party-list).

Palaging binibigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel ng House minority bloc sa pagpapanatili ng balanse sa institusyon, pagsusulong ng transparency, at pagtulong sa maayos na proseso ng demokrasya.