Mariing itinanggi ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang mga ibinatong alegasyon laban sa kaniya sa pagdinig ngayong araw ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang mensahe na ipinadala sa mga media, tinawag ni Representive Co na kasinungalingan at walang basehan ang mga nasabing alegasyon.
Binigyang-diin ni Rep. Co na kaniyang sasagutin ang nasabing isyu sa tamang panahon at tamang forum.
Kasalukuyang nasa Amerika si Co para sumailalim sa isang medical check-up.
Ayon naman kay Ako Bicol Partylist Rep. secon nominee Rep. Alfredo Garbin na dalawang linggo na umanong hindi niya nakakausap ang kapwa kongresista na si Rep. Zaldy Co.
Pahayag ni Garbin, nagsabi si Co na nasa U.S. siya para sa isang medical check-up sa Sept. 24.
Nilinaw ni Garbin na hindi siya awtorisadong magsalita para kay Co. Giit din niya, mga abogado ni Co na ang magsasalita kaugnay ng mga alegasyon.
Idiniin din ni Garbin na hindi sangkot ang Ako Bicol Party-list sa anumang ilegal na aktibidad.
Aminado si Garbin na sila ay nasasaktan sa mga nangyayari subalit hindi sila nagpapa-apekto at patuloy pa rin sila sa kanilang trabaho.