Hiniling ni Davao City Rep. Paolo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na isama sa imbestigasyon ang mga flood control projects na iniugnay sa distrito ni Laguna Rep. Ann Matibag, asawa ni NBI Director Melvin Matibag.
Kasunod ito ng pahayag ng NBI na ipapatawag nito ang mga contractor na konektado sa mga red-flagged flood control projects sa unang distrito ng Davao City.
Sinabi ni Duterte na nais niyang makita ang mga dokumento, video at mismong proyekto na sinasabing substandard o ghost projects.
Iginiit ni Duterte na dapat pare-pareho ang pamantayan ng imbestigasyon sa lahat ng lugar at walang dapat piliin lamang na siyasatin.
Itinanong din ng Solon kung ipapatawag ng NBI ang mga contractor na Discaya na umano’y sangkot din sa dalawang proyekto sa distrito ni Rep. Matibag.
Ayon kay Duterte, mayroon silang mga video at dokumentong may kaugnayan sa mga naturang proyekto.
Nanawagan si Duterte na gawing publiko ng NBI ang imbestigasyon, kabilang ang mga ebidensya at resulta ng pagdinig, upang makita umano ng publiko ang aktuwal na ginagawa ng mga awtoridad.










