-- ADVERTISEMENT --

Nangako ang pamahalaang lungsod ng Quezon City na mananagot ang may sala na kinasangkutan ng isang condominium kung saan bumagsak ang isang debris mula sa gusali sa Tomas Morato Avenue at tumama sa tatlong Grade 7 student noong Martes ng hapon, Agosto 12, 2025.

Dalawa sa mga ito ang nagtamo ng matinding pinsala sa ulo matapos mabagsakan ng semento mula sa gusali.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), mga menor de edad at mag-aaral ng Don Roces Science High School ang mga biktima, na noon ay naglalakad sa harap ng isang condominium nang biglang gumuho ang bahagi ng konkreto mula sa itaas.

Agad na rumesponde ang Kamuning Police Station 10 at ang mga emergency personnel upang tiyakin ang kaligtasan sa lugar. Dinala naman agad sa ospital ang mga biktima para sa agarang lunas, habang ang isa sa kanila ay nananatiling walang malay hanggang nitong Martes ng gabi.

Ayon pa pahayag ng Quezon City, iniutos na ng lungsod sa mga kinauukulang tanggapan ng pa-aralan ang mga kasong maaaring isampa laban sa may ari ng naturang gusali.

-- ADVERTISEMENT --

“Tinitiyak po natin na mapanagot ang sinumang may pagkukulang sa insidenteng ito na maaari sanang naiwasan,” ayon sa pahayag ng QC LGU.

Nangako rin ang lungsod na magbibigay ng tulong sa mga biktima at sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng Social Services and Development Department.

Samantala, patuloy na iniinspeksyon ng QCPD ang gusali upang matiyak kung maayos din ang kalapit na estruktura nito.

Sinusubukan naman ng Bombo Radyo News team na makakuha ng pahayag mula sa pamunuan ng condominium ngunit wala pa itong naging tugon.