-- ADVERTISEMENT --

Mariing kinokondena ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO) at ng Midsayap Municipal Police Station (MPS) ang walang habas na pamamaril na naganap noong umaga ng Agosto 12, 2025, sa harap ng Agriculture Central Elementary School sa Barangay Agriculture, Midsayap, Cotabato.

Ayon sa pahayag ng CPPO, ang paaralan ay isang lugar na kinikilala ng batas bilang santuwaryo para sa kapayapaan at edukasyon, ngunit nauwi sa karahasan na nagdulot ng pagkasugat sa isang dedikadong punong-guro.

Binigyang-diin ng pamunuan na nananatiling matatag ang kanilang pangako na itaguyod ang kapayapaan at kaayusan, at tiyaking protektado ang bawat mamamayan sa lalawigan ng Cotabato.

Umapela rin ang CPPO sa publiko na makipag-ugnayan at magbigay ng anumang impormasyon o lead na makatutulong sa pagkakakilanlan at pagkakahuli ng mga suspek. Maaari anilang ipagbigay-alam ito sa kanilang hotline numbers.