Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na samahan sila sa pagkundena sa korapsyon sa pamamagitan ng malawakang pagtitipon ng inaasahang magaganap sa EDSA People Power Monument sa Linggo, Setyembre 21, bilang bahagi ng “Trillion Peso March.”
Layunin ng pagtitipon ang paghikayat sa pamahalaan na magpaliwanag sa umano’y trilyong anomalya sa flood control projects sa nakalipas na 15 taon.
Inaasahang dadalo ang libu-libong mamamayan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang simbahan, kabataan, at civil society groups.
Magkakaroon ng banal na misa sa EDSA Shrine bago ang martsa, bilang pagsasama ng panalangin at panawagan para sa hustisya.
Pinili ang Setyembre 21 upang gunitain ang deklarasyon ng Martial Law at paalalahanan ang publiko sa kahalagahan ng pananagutan.
Kasabay nito, magsasagawa rin ng mga prayer rally ang mga dioceses sa mga probinsya upang makiisa sa layunin ng pagtitipon.
Nanawagan ang mga obispo sa lahat ng Pilipino na makilahok sa mapayapang pagkilos para sa katotohanan at pagbabago.