-- ADVERTISEMENT --

Ilang araw na lamang bago sumapit ang Pasko, abala na ang ilang pamilyang Pilipino sa pagpaplano at pag-iipon para sa tradisyunal na handa sa Noche Buena.

Kaugnay nito, puspusan na rin ang pagtutok ng mga kinauukulang ahensya sa galaw ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin at rekado upang matiyak na magiging abot-kaya at praktikal ang pamimili ng publiko para sa darating na okasyon.

Hindi mawawala ang isa sa pinakapopular at tradisyonal na putahe sa Pilipinas na kadalasang hinahanda tuwing may okasyon at sumisimbolo sa mahabang buhay ang bihon ay nasa P45 ang isang balot, habang ang pansit canton ay nasa P30. Isama na rin natin ang spaghetti na sa kasalukuyan ay nasa P55 ang kalahati at P90 ang isang buong balot.

Sa mga pangunahing sangkap nito, ang tomato sauce ay nasa P35 hanggang P55 depende sa laki at brand. Sa gatas naman, ang evaporada ay nasa P25 hanggang P40, habang ang kondensada ay nasa P40 hanggang P60.

Sa panghimagas naman, nariyan ang mga kakanin na ang madalas na sangkap ay ang malagkit na bigas na naglalaro sa P57 hanggang P65 bawat kilo.

-- ADVERTISEMENT --

Kung gagamit ka naman ng kamoteng kahoy, umaabot ito sa P40 hanggang P65.

Para naman sa mga naghahanda ng mainit at masarap na ulam, nangunguna riyan ang lumpia, menudo, o di kaya ay caldereta. Alamin natin ang kasalukuyang presyo ng karne: ang baboy ay kasalukuyang naglalaro sa P290 hanggang P400 depende sa bahagi na bibilihin, samantalang ang isang buong manok naman ay umaabot sa P170.

Ayon kay Mavel Paz, tindera ng karneng baboy, kahit pa magkaroon ng bagong pagtaas ay tila hindi na ito bago sa kanila dahil na rin sa tagal ng panahon na mataas ang presyo ng karne ng baboy, lalo na rito sa Metro Manila.

Hindi rin siyempre mawawala sa mesa ang sari-saring prutas na itinuturing na pampaswerte sa buhay at maaari ring sangkap sa magiging dessert ng bawat handaan. Sa mansanas, umaabot sa P50 para sa 3 piraso; sa orange naman ay P25 ang isang piraso; ang dalandan ay umaabot sa P80 bawat kilo; ang ubas ay P280 bawat kilo; at ang mangga ay umaabot naman sa P280 bawat kilo.

Ayon kay Evelyn Cadag, isang mamimili, mabigat na sa kanila ang kasalukuyang presyuhan bunsod ng mahal ng gasolina na pinalala pa ng nalalapit na Disyembre, partikular na sa presyo ng mga gulay. Dahil dito, naiisip na lamang aniya na magtipid sa panghanda ang importante aniya ay may maihahanda sa mesa sa pagdiriwang ng okasyon.