-- ADVERTISEMENT --

Sumirit ng mahigit dalawang porsyento ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng panibagong pag-atake ng Houthi rebels sa Saudi Arabia at mga pag-atake ng Iran sa mga barko sa Gulf.

Umakyat ng 2.77% o $2.90 ang Brent crude sa $107.51 kada bariles, habang tumaas naman ng 2.27% o $2.27 ang WTI sa $102.32 kada bariles.

Dagdag sa pangamba sa suplay ang pagsasara sa East-West oil pipeline ng Saudi Arabia matapos tamaan ng drone strike na nagmula umano sa Iraq. Tinatayang nasa apat na porsyento ng pandaigdigang suplay ng langis ang maaaring maapektuhan nito.

Samantala, iniulat ang panibagong pag-atake sa Strait of Hormuz kung saan isang barko ang tinamaan ng projectile at nasunog, dahilan upang ilikas ang mga tripulante. Sa hiwalay na insidente, isang katao ang nasawi at apat na crew ang nasugatan matapos tamaan ang isang Iranian commercial vessel.

Ayon sa mga market analyst, posibleng magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo kung hindi agad maibabalik sa operasyon ang pipeline ng Saudi Arabia o kung walang magiging konkretong resulta ang nakatakdang pag-uusap hinggil sa seguridad sa Strait of Hormuz.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ipinagpaliban ang nakatakdang pagpupulong sa Oman ng mga Gulf countries at Iran na tatalakay sana sa sitwasyon sa Strait of Hormuz.