Inamin ng Pangulo ng Madagascar na kasalukuyan itong nagtatago sa isang ligtas na lugar para protektahan ang kaniyang sarili matapos ang pagtatangka sa kaniyang buhay kasunod ng ilang linggong protesta ng mga kabataang demonstrador na binansagang “Gen Z Mada” na nananawagan para sa kaniyang pagbibitiw.
Sa isang live broadcast, sinabi ni President Andry Rajoelina, isang grupo ng military personnel at mga pulitiko ang nagpaplanong i-assassinate siya at may pagtatangka rin aniya na magsagawa ng kudeta.
Hindi naman ibinunyag ng Presidente ang kaniyang lokasyon subalit, may mga lumabas na hindi kumpirmadong ulat na tumakas na siya palabas ng kanilang bansa lulan ng isang French military aircraft.
Simula pa noong araw ng Miyerkules hindi na siya nagpakita sa publiko at noong weekend, sinabi ng kaniyang opisina na may pagtatangka na para pwersahin siyang bumaba sa pwesto.
Una rito, nagsimula ang mga protesta sa naturang bansa matapos magpahayag ng galit ang mamamayan sa paulit-ulit na pagkawala ng suplay ng tubig at kuryente na tumindi pa dahil sa pagkadismaya sa pamamahala ng administrasyon ni Rajoelina bunsod ng mataas na bilang nang walang trabaho, korapsyon at krisis sa cost of living.