Sinagot ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Randulf Tuano ang mga naging pahayag ni Sen. Erwin Tulfo matapos na punahin ng senador ang kawalan ng aksyon ng pulisya at maging ng National Bureau of Investigation (NBI) sa patuloy na operasyon ng mga ilegal na online e-sabong.
Paliwanag ni Tuano na isa sa mga naging direktiba ni PNP Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa naging unang command conference niya bilang bagong lider ng PNP, ang pag-aacquire ng mga numero ng mga senador, congressman, at maging mga local chief executives upang magkaroon ng mabilis na ugnayan sa pagitan ng komunidad ng pulisya.
Naniniwala umano si Nartatez na hindi magiging epektibo at matagumpay ang bawat crime prevention efforts na ginagawa ng Pambansang Pulisya kung walang malalim na ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga pulis.
Samantala, tiniyak naman ng Pampansang Pulisya na kanilang tututukan ang isyu upang matiyak na matutukoy ang mga kinalalagyan ng mga operasyon ng ilegal na online sabong at masiguro na mapapatigil ang operasyon sa lalong madaling panahon.