-- ADVERTISEMENT --

Agad na ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa biglaang pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral sa Benguet.

Ayon kay Nartatez, inatasan na niya ang Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) para tiyaking bibigyang pansin at sisilipin ang lahat ng anggulo sa insidente upang maibigay ang malinaw na sagot sa pagkamatay ng dating opisyal.

Nauna nang napaulat base sa mga inisyal na ulat na nahulog ang dating opisyal sa isang bangin sa bahagi ng Kennon Road nito lamang Huwebes.

Binigyang diin ni Nartatez na ang pagkakasa nila ng imbestigasyon ay naglalayon na alamin ang katotohanan hinggil sa insidente sa gitna ng patuloy na mga espekulasyon sa social media platforms.

Isa sa mga tinitignang anggulo sa insidente ang pagkakasangkot ni Cabral sa mga anomalya sa flood control scandal.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nanawagan naman ang Pambansang Pulisya sa publiko na iwasan ang pagbuo ng espekulasyon hinggil sa pagkamatay ni Cabral at hintayin ang opisyal na resulta ng kanilang imbestigasyon.