Inanunsyo ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na hindi na si PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo ang magsasalita para sa panig ng Pambansang Pulisya.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Kampo Crame ay inihayag ng Acting PNP Chief na masyadong maraming spokesperson mula sa kanilang hanay.
Dapat din na ang mismong hepe ng organisasyon ang siyang nagsasalita at dapat may alam sa mga nangyayari sa ilalim ng kaniyang hurisdiksyon.
Kasunod nito, inihayag din ni Nartatez na lahat ng impormasyong kakailanganin ng publiko ay makukuha sa tanggapan ng Public Information Office (PIO) na lamang. Hindi na rin aniya kailangan ng marami o hiwalay na tagapagsalita kung handa namang magsalita ang PIO at ang mismong lider ng intitusyon.
Kinumpirma naman ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa isang pahayag na tinatanggap nila ang desisyon ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na alisin na bilang tagapagsalita ng PNP si Directorate of Comptrollership PBGen. Jean Fajardo.
Ito aniya ay nagpapakita lamang ng pagbibigay diin sa kahalagahan ng pagaasaayos at pagtutuwid ng mga proseso sa loob ng organisasyon.
Samantala kinumpirma rin ni Nartatez na sa ngayon ang magiging tagapagsalita na para sa Pambansang Pulisya ay mula na sa tanggapan ng PIO na kasalukuyang pinamumunuan ni PBGen. Randulf Tuaño.