-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si dating Senate President Koko Pimentel sa mga senador na posibleng magsilbing hukom sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na pairalin ang kanilang konsensya sa pagdedesisyon sa kaso.

Sa isang panayam, iginiit ni Pimentel na nakasalalay sa personal na pagpapasya ng bawat senador ang magiging hatol sa impeachment trial.

“Sa huli, hindi na maituturo kung paano magdesisyon. Nasa konsensya na ng mga senador kung sapat ba ang ebidensya o hindi,” ani Pimentel.

Ayon sa kanya, tungkulin ng mga senador na timbangin ang mga ebidensyang ihaharap ng mga taga-usig mula sa House of Representatives. Kapag napatunayang sapat ang mga ito, dapat aniyang hatulan ang opisyal; kung hindi, nararapat itong maabsuwelto.

Bukod dito, hinikayat din ni Pimentel ang Senado na pabilisin ang proseso ng impeachment trial upang agad na malaman ng publiko ang magiging desisyon ng mga senador-hukom.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, mas mahirap tanggapin kung walang paglilitis o kung iiwasan ito. Dapat maisagawa aniya ang trial

Si Pimentel ay kabilang sa mga senador na bumoto upang hatulan si dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 impeachment trial, isang karanasang aniya’y nagpapakita ng bigat ng responsibilidad ng mga senador sa ganitong proseso.

Nauna nang iginiit ni Pimentel na sa ilalim ng Konstitusyon, obligasyon ng Senado na agad na simulan ang paglilitis sa sandaling maisumite ang articles of impeachment mula sa Kamara. Aniya, ang salitang “forthwith” ay nangangahulugang “agad,” kaya’t hindi dapat maantala ang proseso.

Kaugnay nito, nagpahayag naman si Vicente Sotto III na handa ang Senado na umaksyon sa sandaling matanggap ang articles of impeachment, at maaari umanong magsimula ang paglilitis sa susunod na araw matapos itong maisumite.

Sa gitna ng usapin, nananatiling nakatutok ang publiko sa magiging hakbang ng Senado, lalo na kung uusad ang impeachment trial laban sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.