-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Portugal na wala pa rin silang natatanggap na kahit anumang impormasyon sa kung nasaan ang eksaktong kinaroroonan ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co ayon yan sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay DFA Spokesperson Angelica Escalona, wala pa ring naibibigay na impormasyon o ulat ang embahada sa kanilang tanggapan para sa mga bagong updates sa lokasyon ng dating mambabatas.

Ayon kay Escalona, ang kanilang pagkansela sa pasaporte ni Co ay agad na maipagbibigay alam sa Bureau of Immigration (BI) at sa Philippine Center on Transnational Crime na siya namang magbibigay ng impormasyon sa International Crime Police Organization (Interpol).

Matapos nito ay isasailalim na sa alert system sa lahat ng international boarder ang pasaporte upang mamonitor ang paglabas pasok nito sa ibang bansa.

Sa kabila nito ay hindi naman muna masagot ng DFA kung mayroon nga ba talagang foreign passport si Co dahil depensa ni Escalona, hindi lahat ng Pilipino na nakakakuha aniya ng foreign citizenship ay iniuulat sa kanilang tanggapan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ayon naman sa Department of Interior and Local Government (DILG) patuloy na silang nakikipagugnayan sa mga otoridad ng Portugal dahil sa paghihinalang mayroong Portuguese passport ang dating mambabatas.

Nauna naman na dito ay idineklara na bilang ‘fugitive from justice’ ng Sandiganbayan si Co habang ang National Bureau of Investigation (NBI) naman ay humiling na ng red notice sa Interpol laban sa dating kongresista.