Tiniyak ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ang kahandaan nitong tulungan si Sen. Ronald Dela Rosa sa anumang paraan at pagkakataon.
Ayon kay PDP Deputy Spokesperson Ferdinand Topacio, si Dela Rosa ay isa sa mga natatanging miyembro ng partido bilang opisyal at isa sa tatlong senador na kumakatawan sa grupo.
Dahil dito, nakahanda aniya ang PDP na ipagkaloob sa kaniya ang lahat ng tulong na kayang ipagkaloob ng isang political party anumang oras, para matulungan ang senador sa kaniyang kasalukuyang kinakaharap na problema.
Giit ni Topacio, nananatiling solido ang suporta ng PDP para sa dating Philippine National Police chief, sa kabila ng kaniyang kasalukuyang sitwasyon.
Kinundena rin ni Topacio ania’y paulit-ulit na pagsasabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon nang arrest warrant laban sa senador.
Aniya, ang ginawa ni Remulla na pag-leak sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) ay isang panibagong paglapastangan sa soberanya at kasarinlan ng bansa.
Kung babalikan ay mahigit isang buwan nang hindi dumadalo sa sesyon ng Senado si Dela Rosa kasunod ng naging pagbubunyag ni Ombudsman Remulla sa arrest warrent.
Gayunpaman, kahapon (Dec. 18) ay naglabas ang kaniyang legal counsel ng isang video footage at mga larawan na nagpapakitang naagkausap sila ng senador sa isang mataong lugar.











