Ipinaabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lubos na pasasalamat sa gobyerno ng United Arab Emirates (UAE) para sa patuloy na suporta at pangangalaga sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers sa nasabing bansa, at sa pagturing sa Pilipinas bilang kaagapay sa mga programang may kapwa benepisyo.
Malugod na tinanggap ni Pangulong Marcos si Abdullah Nasser Mohamad Lootah, ang Deputy Minister of Cabinet Affairs for Competitiveness and Experience Exchange ng United Arab Emirates, sa isang courtesy call sa Palasyo ng Malacañang kahapon.
Ang naturang pagbisita ay bahagi ng Philippines and UAE Government Experience Exchange Forum na ginanap mula Setyembre 16 hanggang 18.
Ito ay inorganisa ng Department of Budget and Management, katuwang ang UAE Ministry of Cabinet Affairs.
Layunin ng forum na palakasin ang kakayahan ng mga kawani ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman, karanasan, at pinakamahusay na mga praktis tungo sa makabago at epektibong pamahalaan.
Samantala, ipinahayag ni Deputy Minister Lootah ang matibay na hangarin ng UAE na higit pang paigtingin ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates, at binigyang-diin ang kahalagahan ng kooperasyon ng dalawang bansa.