Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko, lalo na sa mga may kakayahang bumili nang maramihan, na iwasan ang pag-hoard ng diesel sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon sa suplay ng langis.
Ayon sa Pangulo, tanging ang mga consumer na may lehitimong pangangailangan lamang ang pinapayagang mag-imbak ng gasolina.
Kabilang dito ang mga mangingisda, marine equipment operators, mga ospital, at iba pang gumagamit ng generator set para sa kanilang operasyon.
Kinondena ng Pangulo ang mga insidente ng fuel theft at iba pang iregularidad na may kaugnayan sa langis.
Iginiit ng Pangulo na nakakalungkot at nakakagalit ang mga ulat na may ilang indibidwal na sinasamantala ang sitwasyon para sa pansariling kapakinabangan.
Aniya, kabilang sa mga naiulat ang pagtakas ng isang motorista matapos magpakarga ng gasolina nang hindi nagbabayad at ilegal na paglilipat ng diesel sa pribadong sasakyan.
Binigyang-diin din ng Presidente ang panganib na dulot ng hindi wastong pag-iimbak ng diesel, na maaaring magdulot ng peligro sa mga komunidad.
Aniya, mahalagang isaalang-alang ang kaligtasan ng mga kapitbahay at umiwas sa mga gawaing maaaring magdulot ng sakuna.
Nanawagan din ang Pangulo sa bayanihan at pagiging makatarungan sa kapwa.
“Sa paghahanap natin ng ginhawa, huwag naman sana tayong manlamang sa kapwa. Hindi ganyan ang Pilipino,” pahayag ng Pangulong Marcos.











