Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangako ng kanyang administrasyon na mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng ligtas, disenteng, at abot-kayang tahanan.
Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa pagbubukas ng National Housing Expo 2025 na ginanap sa World Trade Center, Pasay City, na layuning ipakita ang mga programa, serbisyo, at inobasyon sa sektor ng pabahay.
Binanggit ng Pangulo ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na palawakin ang mga programa sa pabahay, pasimplihin ang mga proseso, at palalimin ang suporta para sa sektor. Tampok din sa expo ang iba’t ibang serbisyo tulad ng home design, planning, financial assistance, at housing loan processing.
Itinampok din ni Pangulong Marcos ang Green Lane Program, na nagtataguyod ng pagtatayo ng mga climate-resilient homes—mga bahay na kayang tumagal at makibagay sa pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Pinuri ng Pangulo ang Pag-IBIG Fund bilang isa sa mga pinaka-maaasahan at matatag na katuwang ng gobyerno sa sektor ng pabahay.
Dagdag pa ng Pangulo, umabot sa halos ₱75 bilyon ang naipinagkaloob na cash loans ng Pag-IBIG, na nakatulong sa humigit-kumulang tatlong milyong miyembro upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangang pinansyal.
Sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program, mas maraming Pilipino ang nagkakaroon ng pagkakataong makakuha ng abot-kayang pabahay.
Sa programang ito, maaaring makakuha ng housing loans ang mga mababang-kita na manggagawa sa interest rate na tatlong porsiyento (3%) bawat taon. Kabilang din dito ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at maging ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Shelter Month, inanunsyo rin ng Pangulo ang pamamahagi ng Notices of Approval at Certificates of Entitlement sa mga benepisyaryo mula sa Los Baños, Laguna; Lucena City; Iloilo City; at Caloocan City, na magbibigay daan sa kanila upang tuluyang maging may-ari ng lupang kanilang tinitirhan.