-- ADVERTISEMENT --

Hindi na pinatulan pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga akusasyon ni dating Ako Bicol Party list Representative Zaldy Co laban sa kaniya kaugnay sa P100 billion halaga umano ng insertions sa 2025 national budget.

Sa pagbisita niya sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo sa Negros Occidental ngayong araw ng Sabado, Nobiyembre 15, natanong ang Pangulo sa kaniyang komento hinggil sa mga naging akusasyon ng dating mambabatas, maikling tugon ng Pangulo “I don’t want to even dignify what he was saying.”

Matatandaan, sa naunang video na inilabas ni Co nitong Biyernes, kaniyang isiniwalat na ipinag-utos mismo ng Pangulo ang pagsingit ng P100 bilyong halaga ng proyekto sa pamamagitan ng bicam.

Sa ikalawang video na inilabas ni Co ngayong Sabado, naglabas siya ng mga larawan ng mga male-maletang naglalaman umano ng pera na ipinadala niya mismo kasama ang kaniyang staff at security guards sa bahay ng Pangulo at ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Nakatanggap din umano ang Pangulo ng 25% mula sa umano’y insertions na katumbas ng P25 billion.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, pinabulaanan na rin ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez ang Part 2 video statement ni Co na walang basehan at haka-haka lamang.

Iginiit ni Gomez ang posisyon ng Palasyo na humahamon kay Co na umuwi ng Pilipinas, lagdaan ang kaniyang salaysay at panumpaan ito at harapin ang akusasyon.