Lumipad patungong India si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes para sa kanyang kauna-unahang state visit sa naturang bansa, kasabay ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at India.
Umalis ang presidential flight mula Maynila kaninang umaga at tinatayang walong oras ang biyahe ng presidente.
Ayon sa Malacañang, bibisita si Marcos sa New Delhi at Bangalore, kung saan makikipagpulong siya sa mga opisyal ng pamahalaang Indian at mga negosyanteng lokal.
Sa New Delhi, inaasahang makikipagpulong siya kina Indian Prime Minister Narendra Modi at President Droupadi Murmu.
Inaasahang pangunahing tatalakayin ang mga usaping pang-ekonomiya at depensa sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasama sa delegasyon ni Marcos ang ilang pangunahing miyembro ng economic team ng Pilipinas, kabilang sina Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go at Trade Secretary Cristina Roque.
Ayon sa datos, umabot na sa $3.5 bilyon ang halaga ng bilateral trade sa pagitan ng Pilipinas at India noong 2024.
Bukod sa ekonomiya, tatalakayin din ng dalawang panig ang pagpapalawak ng defense at security cooperation.
Nitong mga nakaraang buwan, pinalakas ng Pilipinas at India ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng joint maritime patrols at kontrata sa pagbili ng mga misayl mula sa India.
Nakatakdang lumagda ang dalawang bansa sa hindi bababa sa anim na kasunduan, kabilang na ang mga larangan ng legal cooperation, agham, at teknolohiya.