Binatikos ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon si Cibac partylist Rep. Eddie Villanueva matapos ang tila pagbabanta nito kaugnay ng imbestigasyong isinusulong ni Ridon sa flood control scandal.
Matatandaang sa pagdinig ng House Infrastructure Committee noong Setyembre 9, inakusahan ni dating Bulacan engineer Brice Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ng pagtanggap ng kickback mula sa mga proyekto.
Sa isang sermon, ipinakita ni Bro. Eddie ang yearbook photo nina Ridon at Hernandez at sinabing, pasalamat daw ito at “born again” na siya, na patama kay Ridon.
Tugon naman ni Ridon, baka raw makulong talaga si Senator Joel kahit isumpa pa niya ang infra panel head.
Giit pa ni Ridon, hindi lang si Hernandez ang nagdawit sa senador kundi maging ang iba pang personalidad at dokumento.
Sa Senado, idinawit din ni dating DPWH official Henry Alcantara si Sen. Villanueva sa P150M kickback mula sa flood control funds na umano’y iniabot sa aide nitong si “Alyas Peng” sa isang resthouse sa Bocaue.
Ayon kay Alcantara, hindi alam ni Villanueva na galing sa flood control ang pondo, ngunit iginiit ni Ridon na dapat sagutin ng senador ang mga tanong ukol sa transaksyon.
Nanindigan si Ridon na hindi sapat ang mga paliwanag at dapat harapin ni Sen. Villanueva ang mga alegasyon sa tamang proseso.