-- ADVERTISEMENT --

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules ang panunumpa ni General Jose Melencio C. Nartatez Jr. bilang full-fledged na Philippine National Police (PNP) Chief sa isang pormal na seremonya na ginanap sa Palasyo ng Malakanyang.

Binati ni Pangulong Marcos si Nartatez sa kanyang pagkatalaga bilang PNP Chief at nagpahayag ng suporta sa kanyang pagharap sa mga responsibilidad at hamon sa ilalim ng kanyang opisina.

Inihayag ni Gen. Nartatez Jr. na buong-buo niyang tinatanggap ang pagkakatalaga sa kaniya bilang ika-32 na hepe ng Pambansang Pulisya.
Aniya, ang bagong responsibilidad na kaniyang kahaharapin bilang hepe ay nakasalalay sa disiplina, propesyunalismo at mga sakripisyo ng bawat pulis na kasapi ng organisasyon.

Buong puso aniya niya itong tinatanggap ng may malinaw na layunin para itaguyod ang buong hanay ng pulisya ng may integridad.

Dati nang nagsilbi si Nartatez sa iba’t ibang posisyon sa pamumuno kabilang ang pagiging PNP Deputy Chief for Administration noong 2024-2025; National Capital Region Police Office Director noong 2023-2024; Regional Director of Police Regional Office IV-A Calabarzon noong 2022-2023; at Ilocos Norte Police Provincial Office Director noong 2016-2018.

-- ADVERTISEMENT --

Humawak ang bagong PNP Chief ng mga mahahalagang posisyon sa PNP mula noong siya ay nagsimula noong 1992, kabilang ang pagiging Director for Comptrollership and Intelligence; miyembro ng elite PNP Special Action Force; at miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group.

Noong 2006, na-promote si Nartatez sa ranggong Police Lieutenant Colonel bilang pagkilala sa kanyang natatanging serbisyo.

Si Nartatez ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Tanglaw-Diwa Class 1992.

Mayroon din siyang Master’s Degree sa Public Administration mula sa Polytechnic University of the Philippines.