Naniniwala ang Malacañang na unconstitutional ang panukalang batas ni Senator Robinhood Padilla na naglalayong magpatupad ng taunang mandatory drug testing para sa lahat ng halal at itinalagang opisyal ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, obligadong sumailalim ang mga opisyal sa parehong hair follicle test at urine test kada taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi ito tugma sa naging desisyon ng Korte Suprema noong 2008 sa kasong Social Justice Society vs. Dangerous Drugs Board.
Batay sa naturang desisyon, labag sa Konstitusyon ang universal o mandatory drug testing dahil lumalabag ito sa karapatang pantao at sa privacy ng mga indibidwal.
Ang tanging pinapahintulutan lang daw ng batas ay ang pagsasagawa ng random drug testing.
Kaya payo ni USec Castro sa Senador na aralin niya muna ang ihahain nitong panukala dahil baka magsayang lang daw ito ng oras at pondo.