-- ADVERTISEMENT --

Handang magpanukala si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng batas na magbibigay ng subpoena powers sa independent commission na bubuo para imbestigahan ang maanomalyang flood control projects.

Sinabi ng senador na bagama’t may kapangyarihan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lumikha ng isang independent commission sa ilalim ng Administrative Code, tanging Kongreso o Hudikatura lamang—at hindi ang Ehekutibo—ang maaaring magbigay ng subpoena powers sa pamamagitan ng batas o internal rules.

Ang kanyang pahayag ay kasunod ng anunsyo ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tinatapos na ng Malacañang ang isang executive order (EO) para sa pagbubuo ng komisyon na magkakaroon ng kapangyarihang mag-isyu ng subpoena laban sa mga sangkot sa kontrobersyal na flood control deals.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang mga imbestigasyon sa Senado at Kamara ukol sa multi-milyong halaga ng ghost at substandard infrastructure projects.

Muli ring iginiit ni Pangilinan na dapat pamunuan ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang naturang komisyon.

-- ADVERTISEMENT --