Ipinaliwanag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang dahilan kung bakit hindi nasalubong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa UAE na dumating kaninang hapon sa Villamor Air Base.
Ayon kay Castro, dumalo ang Pangulo sa pulong ng Economy and Development Council upang talakayin ang mahahalagang programa ng pamahalaan, kabilang ang mga inisyatiba sa edukasyon, imprastraktura, at ang reconstruction and development ng Greater Marawi (Stage 2), pati na rin ang Unified Grand Central Project.
Dagdag pa niya, iniutos din ng Pangulo na sa Villamor Air Base (Maharlika) idaan ang pagdating ng mga umuwing OFW upang mapadali ang kanilang immigration processing at agad silang makauwi at makapiling ang kanilang mga pamilya.
Layunin umano nito na maibsan ang hirap na dinanas ng mga OFW bago makabalik sa bansa.
Samantala, ligtas namang nakabalik sa Pilipinas ang 317 Pilipino sakay ng ikatlong government-chartered flight, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Lumapag ang eroplano sa Villamor Air Base sa Pasay City na may sakay na 153 OFWs, 114 nilang dependents, at 50 stranded na pasahero na napilitang umuwi dahil sa nagpapatuloy na labanan sa Middle East.
Ayon pa sa DMW, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Marcos na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa naturang rehiyon.
Batay sa tala noong Marso 5, mahigit 1,700 OFWs at kanilang mga pamilya na ang napauwi sa ilalim ng whole-of-government repatriation program.











